Pinoy na Pinoy

Hulyo 13, 2010

Gusto Ko Silang Bumait Pero Di Ko Magawa

Filed under: Ugaling Pinoy — Constantine Guitang @ 1:38 umaga

Patintero sa lansanganMadalas, naiisip ko, ako lang ba ang nakakaramdam nito? ‘Yung may nakita kang nakatambay na naninigarilyo sa daanan ng mga papasok na bata at gustong-gusto mong sabihan ng ‘Brod, kunting konsiderasyon naman sa mga batang dumadaan, puwedeng sa ibang lugar ka na lang manigarilyo?’, pero di mo masabi sa di mo mawaring dahilan. O di kaya’y ang sinusundan mong mama’y pasimpleng dinudukutan ang bag ng isang estudyante, gustong-gusto mong hulihin pero di mo magawa dahil nag-aalala ka sa sarili mong kaligtasan. Gusto mong magtawag ng pulis pero wala kang mahagilap, kung meron man, huwag ka sanang sabihan na ‘Sorry sir, pero sa traffic kami naka-assign.’

Mga iba pang gusto kong baguhin pero di ko magawa

  • Ang mga kasakay ko sa jeep na tamad makisuyo ng bayad.
  • Ang mga nagsisiga ng basura sa mga kapit-bahay namin.
  • Ang mga sumisingit sa pila ng kumonyon, di marunong pumunta sa dulo ng pila.
  • Ang mga ninigarilyo sa lansangan.
  • Ang mga di marunong magtapon ng sariling basura, maski balat ng kendi, di man lang maibulsa kung walang makitang basurahan.
  • Ang mga drayber na di marunong magmenor o huminto sa pedestrian lane.
  • Ang mga smoke belcher.
  • Ang mga taong di marunong gumamit ng overpass.
  • Ang mga mandurukot.
  • Ang mga umiihi sa pader.

Hindi matatapos ang listahang ito kung isa-isahin ko lahat.

Anong kaya kong gawin?

Dati-rati, laging nagngingitngit ang kalooban ko kapag nakakakita ako ng mga ganitong tao. May mga pagkakataon na sinasabihan ko agad-agad ang mga nagtatapon ng basura; pinapakiusapan ang mga kapit-bahay namin na huwag magsiga ng basura; sinasabihan ang mamang naninigarilyo sa jeep; kinakalabit ang mga tamad makisuyo ng bayad; may nasigawan pa akong nag-jaywalking sa ibaba ng overpass. Pero mula noong tinanggap ko na hindi ko kayang baguhin ang mundo, mas naging mapagpatawad ako. Mas hindi umiinit ang ulo ko, mas hindi ko na sila pinapansin.

Tinanggap ko na nasa sarili ang simula ng pagbabago. Hangga’t hindi inuumpisahan ng isang tao ang pagbabago sa sarili, maski anong pakiusap mo, babalik at babalik ito sa kinagawian. Kaya’t sarili ko ang inuuna kong pinapangaralan para iwasan o huwag gawin ang kinaiisan kong makita sa iba. Alam ko, may mga pagkukulang din ako na kailangang iwasto, at ‘yun ang kaya kong gawin. Malay natin, sa mabuting halimbawa mapapagaya ang iba. Na kapag nakakakita sila ng magandang ehemplo, gagaya din sila sa’yo.

Harinawa.

Hulyo 5, 2010

Hindi Kailangang Perpekto

Filed under: Ugaling Pinoy — Constantine Guitang @ 12:52 hapon
Hindi kailangang perpekto
Sa lahat ng gawain mo, di kailangang maging perpekto.

May mga bagay na nais nating gawin pero pinipigilan natin ang sarili natin dahil may mga pag-aalinlangan na sumasagi sa isipan natin. Isa na rito ang pag-iisip na baka ang magiging resulta’y hindi lalabas na gaya ng inaasahan natin o sa madaling sabi, hindi perpekto ayon sa paningin natin.

Ako mismo, naging biktima nito

O mas mainam siguro na sabihin na karamihan sa atin kung di man lahat tayo ay naging biktima ng di pagtuloy o pagkaantala ng nais nating gawin, dahil sa pagnanais nating perpekto ang magiging resulta nito.

Ganito ang naging karanasan ko.

Bilang isang software developer, naging bahagi na sa trabaho ko ang pagbusisi sa mga gawa kong software hanggang sa pinakamaliit na detalye. Dahil kung may nakaligtaan akong detalye, o ang sinasabi naming bug sa program, malaking epekto ito sa performance ng software na ginagawa ko. Ang resulta, sisi, pagkadismaya at di pagkakuntento ng kustomer. Kaya’t dito naaantala ang trabaho ko. Dahil sa pag-iisip na kailangang laging perpekto.

At dahil dito, halos lahat na ng gagawin kong hakbang sa labas ng pagiging programmer ko, nagiging sobrang ingat ako sa desisyon ko. Laging nangunguna ang isiping ‘tama ba itong gagawin ko?’ ‘Paano kung mali ang hakbang ko?’ ‘Paano kong hindi tatanggapin ang desisyong ito?’ ‘Paano kung matatalo ako?’ ‘Paano kung…’ Maraming paano bago gumawa ng hakbang, ang mas masaklap, ang isiping ‘huwag na lang’.

Dahil sa pagnanais na maging perpekto ang mga hakbang,

  • nagiging mabagal ang desisyon
  • kadalasa’y di na lang itinutuloy dahil sa takot sa pinapangambahang mangyari
  • nawawala ang focus sa gustong mangyari at binabaling na lang sa ibang bagay
  • laging iniintindi ang sasabihin ng iba
  • nawawala ang tiwala sa sariling kakayanan

Kung nais nating magampanan ang mga nais nating gawin, iwaksi sa isipan ang pagiging perpekto sa lahat ng gagawing hakbang. Bagkos, isipin natin, na hindi lahat ng gagawin nati’y kinakailangang maging perpekto. Ulitin natin, HINDI KAILANGANG PERPEKTO.

Kaya’t ito ang maipapayo ko sa inyo at sa sarili ko

  • Kung matagal nang gustong gusto mong makapag-post ng blog, huwang mong patagalin sa isipan mo. Umpisahan mo nang harapin ang blangkong pahina at isulat ang ano mang sumagi sa isipan mong gustong gusto mong isulat. Isipin mong sa unang draft, hindi kailangang perpekto. Pagkatapos ng unang draft, sapat na ang isa o dalawang araw na paglalagi nito sa draft folder. I-publish mo na para mabasa na ng mga tiga-subaybay mo. Habang napapadalas ang pagsusulat mo, mas lalong nahahasa ang kakayahan mo, mas magiging madali ang pagsusulat para sa iyo.
  • Kung matagal mo nang di sinasabing ‘Mahal kita’ sa asawa o girlfriend mo, sabihin mo na ngayon. Merong text, may facebook, o instant messenger kung hindi posibleng masabi ito ng harapan. Hindi mo kailangang maging isang Shakespeare o Balagtas para mabanggit ito. Habang napapadalas ang pagbanggit mo ng ‘Mahal kita’, mas lalo itong madarama ng mahal mo, mas nagiging madali at halos perpekto ang pagsasabi mo, mas mapapalawig ang pagmamahalan n’yo.
  • Kung meron kang proyekto na gustong gusto mong umpisahan, umpisahan mo sa maliit na hakbang. Kung gusto mong magtanim, umpisahan mo sa isa o dalawang paso. Kung gusto mong magnegosyo pero di mo magawa-gawa dahil walang puhunan o mahanapang perpektong puwesto, umpisahan mong magbenta-benta ng madali mong makuha o magawa sa mga kaibigan o katrabaho mo. Hindi kinakailangang malaking proyekto agad, hindi kailangang perpektong proyekto.
  • Kung nag-aalangan ka sa magiging resulta sa mga hakbang mo, huwag mong ituon ang pansin sa dulo ng hakbang na ito, kundi pagtuonang pansin ang bawat hakbang na ginagawa mo. Ang mahalaga’y ang ngayon, ang kasalukuyang ginagawa mo ngayon.

Kung mapapansin ninyo, halos limang buwan na hindi ako nakapag-blog. Isa sa mga dahila’y ang pag-iisip ng kung ano ba ang perpektong paksa na isusunod kong isulat. Hanggang sa natutunan ko, hindi naman talaga kailangang perpekto ang pagkakasulat ng isang paksa para mailathala ito. Ang mahalaga, nakapaghain ka ng ideya mo at naibahagi mo ito sa mga kaibigan at tiga-subaybay mo. Kung pagkatapos mong ilathala at pakiramdam mo’y may kulang pa, gumawa ka uli panibagong post para punan ang mga pagkukulang na ito.

Lumikha ng libreng website o blog sa WordPress.com.