Kamakailan, may paskil ako tungkol sa Gusto Ko Silang Bumait Pero Di Ko Magawa. Ito’y tungkol sa mga nakakainis na ugali nating mga Pinoy, gaya ng mga pasahero sa jeep na tamad makisuyo ng pamasahe, mga nagsisiga ng basura, di marunong sumunod sa pila, mga naninigarilyo sa lansangan, mga nagkakalat sa daan, mga drayber na di marunong magmenor sa pedestrian lane, smoke-belchers, jaywalkers, mandurokot at mga umiihi sa pader.
May mga nag-iwan ng puna na sumang-ayon sa mga nabanggit ko gaya ni cuteberl na nagsabi na nasa sarili ang simula ng pagbabago:
sabi nga IF I CHANGE, PEOPLE WILL CHANGE. Tama ka brad nasa atin pa din ang tunay na pagbabago. Don’t stop telling to others what is right kasi ito ang tutulong to let them know na mali na sila. Ikaw, ako at marami pang iba dyan ang gusto nito. tulong tulong tayo at magsisimula tayo sa sarili natin.
Sinundan din ni etchosera ng isa pang pagsang-ayon:
tama ka dapat sa sarili muna natin mag mula ang pagbabago bago natin ishare sa iba. Kasi paano tau susundin ng mga nakapaligid sa atin kung tau mismo di natin ginagawa ung mga kabutihang nais natin na gawin nila. Tau ang magiging ehemplo sa mga tao. At kung mas piliin nila ang mag stay sa kung ano man ang meron sila igalang na lang natin un lalo nat kung ito naman ay pang personal na buhay nila. Nagawa mo na ung part mo den allow dem to do der part.
Pati si misis, nakisali din sa pagbibigay ng puna na siyang naging talakayan namin minsan sa hapag kainan:
agree ako sa mga sinabi mo mahal. maraming tao ang walang pakialam sa kapwa nila kaya nila nagagawa ang mga bagay bagay na hindi nakakabuti sa pangkalahatan. Pero totoo na nasa sa atin ang pagbabago. Kayat maganda ang iyong adhikain na sa iyong pamamaraan at pagsisikap na maging mabuti, marami ding mga sasangayon at gagaya sa inyo. Ika nga, hindi naman tayo perpekto pero kung lagi nating iisipin na sa bawat kilos natin, isipin natin ang epekto sa iba, maaring mabawasan ang mga pasaway sa ating lipunan.
Pero, nagbigay sa akin ng dahilan para tingnan sa ibang anggulo ang paksa ng pagsisimula ng pagbabago sa sarili ang mga nabanggit ni luna miranda. Ito ang naging puna niya:
“Be the change you want to see in the world,” sabi nga ni Gandhi. Sana nga kung lahat ng tao ganito mag-isip, katulad mo, wala na tayong problema. kahit tinanggap mo na sa sarili ang pagbabago, still, it shouldn’t stop you from expressing your displeasure at jay-walkers, smoke-belchers, pickpockets, etc. kasi kung di ka magrereklamo, baka akala nila ok lang yong ginagawa nila.
para sa akin ang pinakawalang-kwentang ugali ng Pinoy ay yong walang pakialam. yon ang dapat mawala sa ating lipunan.
Sa sinabi niyang ito, muli kong sinuri ang sarili ko. Gusto kong sumang-ayon sa kanya dahil ginagawa ko na noon ang magreklamo sa nakikita kong mali. Yun nga lang, umiinit ang ulo ko kapag nakakakita ako ng mali. Marahil ito ang dahilan kung bakit mas minabuti ko na lang na ayaw ko nang makialam.
Hanggang sa unti-unti kong sinusubukan kong maging mas mahinahon sa pagsasabi sa mga taong nakikita kong may kailangang baguhin. Gaya ng pagsasabi ng “Miss, nakakaharang yung tarpaulin niyo sa daanan, baka puwedeng ilipat sa di nakakasagabal.” Sinabihan man ako ng “Nandiyan na ‘yan eh.”, di na ako nakipagtalo. Pero kinaumagahan, tinanggal na nila ang tarpaulin na nireklamo ko.
Maaaring sapat na sana ang pagbabago sa sarili kung karamihan sa atin ay ganun ang pag-iisip. Pero sa araw-araw na paglabas natin sa lansangan, nasasalamin na marami sa atin ang walang pakialam sa kapwa. Kaya’t subukan nating dagdagan ang pagsisikap na pagbabago sa sarili ng isang mahinahong pagpapaalala sa kapwa natin na may mas mabuting paraan kesa sa maling ugali nila.